...ang kwento sa likod ng bawat tinta at itinapon na papel

Sa loob ng maraming taon, hindi ko na namalayan na ang buhay ko ay unti-unti nang isinusulat ng lapis at bolpen sa papel…

Simula ng ako’y natuto nang humawak ng lapis, buong puso ko na ring ibinahagi ang aking sarili sa iba’t ibang klase ng papel na aking sinulatan, pinunit, ginuhitan at itinapon depende sa sakit at tamis na aking nararamdaman sa mga oras na iyon. Gayon pa man, hanggang sa ngayon, hindi ko pa rin lubos na maisulat at mailarawan kung anu nga ba talaga ang gusto kong itala at isulat sa buong buhay ko – alam ko rin naming hindi ito isang ‘term paper’, ‘research paper’ o kahit anong ‘essays’ na may deadline kung kelan mo ipapasa at may nagdidikta kung anu ang dapat mong isulat…

Tandang-tanda ko pa nung bata pa ako, kahit anong sumagi sa isipan isusulat agad sa kahit anong papel – kalendaryo man, wastong sulatan, o kahit pader. Hindi ko lang alam kung bakit at paano, ngunit lagi ko nalang rin nakikita ang sarili ko sa isang sulok ng aking kwarto at hawak-hawak ang isang itim na lapis na may pulang eraser at isang puting notebook, abala sa pagsusulat ng mga tula.

Ang notebook na iyon ang nakakaalam ng mga isip-batang lathalain ko tungkol sa bulaklak, sa ulan, sa paruparo, sa tubig, sa puno, sa isang malapit na kaibigan, sa hangin, sa bundok, at sa kung anu-ano pang mumunting bagay. Simple lang ang buhay noon, at sa musmos kong ulirat, tunay na makakapagbigay ng ibayong aliw na ang mga bagay-bagay sa paligid. Simple lang ang mga tulang yaon, ang mga tulang salamin kung gaano ako nasisiyahan sa aking paligid na kinalakhan.

Natatandaan ko pa ang pagkakataong hindi ko inakala na makita ang pagtulo ng luha ng aking dakilang ina, matapos niyang basahin ang isang tula, isang simpleng tula na isinulat ko sa isang pang grade-3 na papel. Ang isang tulang isinulat ko dahil wala lang at dahil gusto ko lang.

Whatever I do , wherever I go,

You’re like a pearl that I’ve treasured,

How lucky I am to have a mother like you!

And three roses are not enough to say my message of love!

Hanggang ngayon, alam ko pa rin ang linyang iyon sapagkat kahit hanggang ngayon nababasa ko pa rin ang orihinal na kopya na nakatago sa pitaka niya… at mahigit sampung taon na lumipas ng iyon ay aking isinulat sa musmos kong ulirat.

Masakit mang isipin, ngunit hindi ko na talaga mahanap ang lumang puting notebook na nakakaalam at nakakarinig ng musmos kong sentimyento, mumunting kaligayahan, at mababaw na sama ng loob. Wala na ang lumang puting notebook, wala na rin ang kauna-unahan kong mga likha… wala na ang aking mga tula…

Nang lumaon nakita ko naman ang sarili kong mas nagging emosyonal, mas naging makatotohanan, at laging pag-ibig na ang tema ng mga isinusulat sa mahigit limang intermediate pad paper o kahit yellow pad paper man. Naaalala ko pa ang mga panahong subsob ako sa pagsusulat ng maiikling kwento na walang sino man ang nakakistorbo sa akin sa tuwing ako’y nakaupo na sa may bintana ng kwarto kasama ang aking itim na bolpen at papel.

Buong buhay ko hindi ko talaga magawang kalimutan ang kwento ni Mardy - kwento ng isang anak ng isang OFW at labandera, kwento ng isang mapagpanggap na anak ng lipunan, kwento ng isang babaeng malupit at rebelde hanggang sa pati pagkatao at buhay niya ay unti-unti nang naglaho sa mundo, kwento ng isang maskarang pilit ikinukubli ang madumi at naghihirap na pagkatao. Hanggang sa ngayon, malinaw pa rin sa aking alaala kung paano ako kinabahan at natakot, kung gaano katindi ang paghawak ko sa bitbit na bolpen, kung gaano kabigat ang pressure na nadarama, kung paano ko iyon isinulat sa ilalim ng punong bayabas habang nakaupo sa damuhan at sa di kalayuan tanaw ko ang pupating buhangin ng Boracay. Paano ko makalimutan iyon, kung iyon lang naman ang pinakaunang maikling kwentong naitapos na sulatin na may kabuluhan. Iyon ang unang kwentong natuto akong makipagusap sa mga mambabasa sa pamamagitan ng aking mga likha. Iyon din daw ang unang kwentong kumurot sa mga puso ng mga hurado na nagpawagi sa aking sa panrehiyonal na kompetisyon na iyon. Iyon din ang unang kwentong naisulat sa bond paper at naging daan para sa marami pang kwentong maisusulat kahit sa yellow pad paper at kalauna’y naging bahagi na ng tabloids at glossy magasins.

At doon na nagsimula ang paglitaw ng mga akdang “Mensahe sa Bote”, “Kinahuhumalingang Kalapati”, “Bago Ako Magpaalam (Diary)”, “Hinadlangang Pag-ibig”, “Hinagpis sa Araw ng Pasko”, at marami pang iba na naisulat ko na itinago at initabi sa isang kulay asul na kahon. Oo, sa kahon na iyon naman nakatago ang lahat ng mga orihinal na kwentong naitapos ko – mga kwento ng bigong pagkakaibigan, kwento ng nagmamahalang nakahiwalay at at muling nagtagpo, kwento ng ng isang pag-ibig na pinilit ilihim hanggang sa huling hininga, kwento ng magkaibigang nagkaibigan, at kwento ng isang kaluluwang umibig sa isang buhay na tao. Iyon na nga siguro ang kahon ng aking imahinasyon, inspirasyon at mga sikreto. Walang sino man ang nakakaalam na may mga bakas ng patak ng luha ang bawat papel na naging draft ng mga kwentong aking isinulat. Wala rin ang may makapagsabing ibayong sakit din ang aking nararamdaman sa bawat kwentong aking pinipilit tapusin dahil dinadala ako ng mga kwentong ito pabalik sa nakaraang pinipilit kalimutan. Mahirap, ngunit sa huli, ang kalungkutang nararamdaman sa tuwing magbabalik tanaw sa nakallipas, ay unti-unting nagging inspirasyon para makatapos ng isang kwentong gugustuhin ng mga mambabasa.

Nakakatuwa lang isipin na marami rin ang natuwa sa mga produkto ng aking imahinasyon, puso at kaluluwa rin ang naging puhunan ko upang makabuo ng isang magandang obrang maestra. Hinahayaan kong makita ng mambabasa ang kahinaan ng aking pagkatao sa pamamagitan ng mga tauhan sa kwentong isinulat. Ang mga kwentong yaon, sa totoo lang, ay aking naging susi upang baguhin at ayusin ang nakaraan, at hubugin ang isang bukas ayon sa kagustuhan ko kung paano iyon mangyayari. Parang pakiramdam ko, ako’y nagiging isang makapangyarihan nilalang, na kayang paikutin sa aking mga palad gamit ang papel at bolpen lahat ng mangyayari sa buhay ng aking mga nagging tauhan sa kwento.

Ngayon…

Mahigit tatlong taon na ang nakalipas at hindi ko alam kung kaya ko pang makagawa ng mga maiikling kwento o kahit simpleng tula na lamang. Hindi ko alam kung anu ang nangyari sa akin, marahil nawalan lang ng inspirasyon, nawalan ng oras at pagkakataon o baka nawalan ng papel at lapis at bolpen. Hindi ko naming maikakaila na sa loob ng tatlong taon, nakalimutan ko nga talaga kung paano magsulat, mas madalas kaharap ko na ang monitor at hawak ko na ang keyboard – wala ng lapis o bolpen na nauubos ang tinta, wala na rin papel na pwedeng punitin ang itapon kung may mali.

Sa kasamaang palad, nawala na rin ang asul na kahon tangay ang mga obrang masasabi kong akin talaga. Wala na nga. Wala nang natira maliban sa papuri galing sa mga taong nagkaroon ng pagkakataong makabasa ng mga likhang iyon. Sa totoo lang, mahirap ang pagsagot ng wala na akong bago sa tuwing may nagtatanong na “Uy! May bago ka bang isinulat? Pabasa naman uh.. sulat ka kaya ulit.” Mahirap ding ikaila ang katotohanang hindi na ako nagsusulat, at mahirap dinggin ang pagkakasabi ng iba ng “Sayang! Namimiss ko kung paano mo isinusulat ang mga kwento mu!”. Masarap lang isipin na may mga tao rin palang nag-aabang sa mga susunod kong isusulat, subalit hindi ko naman alam kung ano ang aking susulatin…

Pilitin ko mang sumulat ng bago, ako’y labis nang nahihirapan. Nakalimutan ko na siguro ang aking nakaraan at nagging matagumpay na ako sa maghubog ng bukas na gusto ko. Nakalimutan ko na rin kung ano ang pakiramdam at kung paano magsulat sa kagustuhan mong magsulat at hindi dahil obligado kang magsulat at kinakailangang tapusin sa nakatakdang oras at araw. Nakalimutan ko na kung paano gamitin ang aking imahinasyon sapagkat itinatak na sa aking pagiisip na kinakailangang makisabay sa agos ng totoong buhay. Nakalimutan ko na ang aking papel, bolpen at lapis nang makilala ko si laptop. Wala. Nakalimutan ko na ang lahat, pati ang ambisyon kong makapublish ng sariling compilation ng lahat nga mga lathalaing naisulat ko…

Wala na ang kilig sa bawat tintang kumakawala sa aking bolpen…

Wala na ang sabik tapusin ang sinimulan…

Wala na ang notebook na boses ng musmos kong kaligayahan…

Wala na ang kahon na salamin ng aking paghihirap at pantasya…

Wala na. Wala na nga.

PS: in fairness, nagulat ako na ito, natapos ko.. nakakamiss rin pala mgsulat., in fact, ang draft nito is written sa isang black notebook ko.. hay., sana nga hindi na iyon mawala. L

Comments

Popular posts from this blog

Una Oda a mi Futuro Hijo...

THE MUST DOS IN DOING BUSINESS INTERNATIONALLY: REALITIES OF CHINA-CHILE TRADE TRANSACTIONS

The Infamy of Olympus