hinagpis sa araw ng pasko
Nanunuot na naman ang malamig na haplos ng hangin sa aking buong pagkatao, at sa di malamang kadahilanan, sari-saring emosyon ang naghahari sa aking kalooban. Oo, siyempre masaya, maliban sa pagkakaroon ng pagkakataon upang makapagpahinga saglit sa tambak na mga gawaing pampaaralan, ay ang pagkakaroon rin ng pagkakataong makita’t makasama ang mga kapamilyang paminsan-minsan lang magtagpo ang landas.
Gayunpaman, may lungkot rin at takot na umuumapaw sa aking damdamin. Sa ilang pasko na dumaan na sa aking buhay, ilang beses pa lamang na naging kumpleto ang aking pamilya sa araw na iyon. Mabibilang lamang sa aking daliri kung ilang beses na si papa ay kasama naming magsaya sa araw na pinakaimportante
Tandang-tanda ko pa nung ako’y isang puslit pa lamang, kung paano kinasasabikan ng musmos kong puso ang araw kung kailan ako’y magbubukas ng regalong laman ang mga laruang hinahangad ko, ang araw kung kailan bago ang damit na isisimba ko, at ang pagkakataong matikman ko ang mga lutuing paminsan-minsan lamang ihapag sa mesa. Sa mga pagkakataong yun, tanging kaligayahan ko na ang makamit ang mga gusto ko.
Subalit, ng ako’y tinubuan na ng ulirat, doon ko lamang napagtanto kung gaano kalaki ang kulang upang matatawag na kumpleto ang pagdiwang ko sa araw ng pasko. At iyon ang pagiging palaging absent ni papa sa araw mismo na iyon.
Minsan ko na ring naitanong iyon kay mama, at ipinilit niyang ipinaliwanag sa akin na ang pagalis ni papa ng bansa ay para rin sa kapakanan naming magkakapatid at para sa magandang kinabukasang hangad nila. Naiintindihan ko rin naman iyon, kahit papaano at nagpapasalamt na ako’y biniyayaan ng isang responsable at masipag na ama.
Masakit lang minsang isipin, na sa mga importanteng pagkakataon at pangyayaring nangyari sa buhay ko, wala siya upang masaksihan ang pagtatagumpay ko bilang bunga ng kanyang pagmamahal at suporta. Wala siya nung ako’y naging isang taon gulang, wala siya nung ako’y gumradweyt ng hayskul na sana’y siya pa ang tagasabit ng aking mga medalyang alay para sa kanya, wala siya sa araw na ako’y naging ganap na dalaga ng lipunan, at wala siya sa mga pagkakataong nangungulila ako sa presensya ng isang ama.
May mga pagkakataong naiinggit talaga ako sa mga nakikita kong mga ama na kandong at hawak-hawak ang mga mumunting kamay ng kanilang mga anak. Nasasaktan ako, sa tuwing maaalala ko ang mga pagkakataon na dati ganyan din si papa nung siya’y ditto pa sa Pilipinas, ngunit ngayon, dalawang buwan lang matapos ang dalawang taon ko siya makikita.
Pero, oo, alam ko na hindi rin naman biro ang gingawa niya dun sa ibang bansa para lamang makalikom ng halaga para mabigyan kami ng kinabukasan na para rin sa amin, at ni minsan di ko pinagsisihan na siya ang naging ama ko, sapagkat ramdam ko naman ang ibayong pagmamahal niya sa aming magkakapatid.
Ilang araw nalang, pasko na naman. Ramdam ko na ang pagbalot ng kasabikan ng mga puso sa araw ng pasko sa buong kapaligiran. Gayunpaman, di pa rin matutumbasan ng mga naghihigantiang mga Christmas trees, makukulay na Christmas lights at magagarbong palamuti ang totoong diwa ng pasko. Di pa rin makukumpleto at matutugunan ng mga ito o ng malalaking halaga ng pera ang pangungulila ng isang anak sa kanyang ama. At ang tanging hiling ko sa paskong darating, na sana’y hindi magiging bakante ang upuan ni papa sa aming pagnonoche Buena.
dramaness!hehe.emo2 cmu bah.b q laki??"ganap na dalaga ng lipunan??: dapat "ganap na binata ng lipunan" haha.juz kidd'n around yan.make sum mor. :D
ReplyDelete